Sunday, September 11, 2011

Bolpen



Gabi ng Marso…gawaan ng final grades ng mga graduating fourth year students. Gamit ang lumang calculator, recordbook at isang bolpen…isa-isa ay kino-compute ko ang mga grado ng bawat batang aking tinuturuan. Habang tulog na ang lahat, gising pa ako. Habang lumalalim ang bawat lumilipas na gabi, lumamalalim din ang aking pangangalu-mata. May deadline…kailangang maka-submit ng grades.

Ako at ang bolpen ang magkasama sa magdamag. Sabay naming iginuguhit ang tadhana nang bawat isa sa aking mag-aaral.

Parang mga larawang nagpa-flash back ang bawat mukha ng aking mga mag-aaral. Sa bawat record na aking itinatala ay nanunumbalik ang lahat ng mga bagay na nakakapag-paalala sa kanila.

May mga sandaling napapahinto ako at ‘saka mapapatanong sa aking sarili, “XXXX-ina, Ipapasa ko ba ang mga batang ito?”

Bolpen lang ang katapat mo!

Bilang guro, kilalang-kilala ko ang aking mga estudyante. Alam ko kung saan sila mahina sa aking asignatura. Alam ko kung sino ang magagaling. Kaya kong isa-isahin ang lahat ng kapalpakan nila. Alam na alam ko kung bakit sila babagsak…dahil hindi sila makatugon sa mga standards ko.

Ang mga bata nga naman ngayon…ibang-iba sa aming panahon. Dati ang 80 na grado ay iniiyakan na namin, pero ngayon…75 na grado ay okay na. Kung bumagsak ay okay pa rin. Wala nang pagpapahalaga. Ni-hindi nga ata namu-murublema sa kanilang kinabukasan. Easy go lucky...

Ilang ulit bang naging values education ang klase ko. Halos nagmumukhang misa ang aking klase sa kasesermon sa mga bata. Paulit-ulit lang naman. Para akong sirang “CD”-- sa kauulit ng mga bagay na para bang walang k’wenta sa mga kabataan ngayon.

Bolpen lang ang katapat mo!

Kung bakit naman kasi ang hilig lumiban ng mga bata sa eskwelahan? Kung bakit kasi ang hilig mag-cutting classes ng mga bata ngayon? Ano kaya ang nahihita ng mga bata sa kakalaro ng computer games bukod sa pag-aaksaya ng oras at pera? Ano ang ginagawa ng mga magulang nila? Bakit nakararating sila sa fourth year level ng walang kaalam-alam at walang kapaki-pakiaalam. E, sino nga ba ang nagmamalasakit? An’diyan na ang lahat ng rason: pinag-alaga ng nakababatang kapatid…walang tao sa bahay…nagkasakit na ang lahat… namatay na ang lahat…naiburol na ang lahat…at nailibing na ang lahat…kulang na lang sabihin ay nagmulto na ang lahat! Lahat na ng alibi ay nasambit na. Lahat na lang ay palaging may dahilan.

Nakakainit ng dugo. Nakakanginig ng laman. Kapag maaalala mo ang mga kalokohan ng isang estudyante na hindi karapat-dapat pumasa. Kung sino pa ang mahihina sila pa ang may katigasan ang ulo. Kung sino pa ang walang ginagawa sa loob ng silid aralan kundi ang mang-asar at manggulo, sila pa ang hindi nakakaalalang magpasalamat.

Bolpen lang ang katapat mo!

‘Yung room naming ay nagmumukhang boxing arena kapag may nag-away. Kung hindi man arena, nagmumukha naman itong lovers' lane dahil sa sweetness ng mga estudyanteng magso-syota kapag walang guro kapag break. Parang nasa sinisilaban ako minsan kapag kasama ko ang mga batang ito. Kung minsan kapag nasusuya ako sa kanila, para bang matutuyuan ka ng dugo kapag nakikita ko sila. Mawawalan ka na ng boses sa kasasaway. Ang kukulit…nakakasuya... at minsan ay nakakasawa na.

Bolpen lang ang katapat mo!

Kung alam lang sana nang bawat isang estudyante kung saan sila pupulutin kung ayaw nilang mag-aral ng mabuti. Baka sa susunod na lima o sampung taon, sila na ang mga druglords na tinutugis ng may kapangyarihan…baka sila na ang mga holdaper na nakapatay o napapatay sa gabi ng holdapan…baka sila na ang mga prostitute na nagpuputa sa gilid-gilid at sa kung saan-saang prostitution den ibinubugaw…baka sila na ang magiging kapitbahay kong addict na manggagahasa sa aking mga mahal sa buhay…magiging tambay na manggugulo ng pamilya ng may pamilya… baka sila na ang mga papatay sa akin balang araw…Diyos ko! Sumalangit nawa ako!

Kapit sa patalim ang bawat isang kaluluwa na walang maipakain sa kanyang mahal sa buhay. Walang maipanggatas at walang maipampa-ospital sa kanyang naghihingalong anak. Kahit illegal, papasukin mabuhay lang. Kagaya ngayon…walang bata-bata sa droga, sugal…kahit sa prostitusyon. Wala na ‘atang edad na pinipili ang kuko ng kasamaan.

Kung hindi man kapahamakan ang kahihinatnan nila…maagang pag-aasawa naman at ang maagang pagkakaanak ang magiging kalbaryo nila. Na kapag nakita mo, walang kahihiyang nagluluyloy ng kanilang suso sa tabi ng lansangan…mukhang dugyutin, namamaho at ang dating maarteng bata na aking nakilala-- na laging nananalamin, panay pabango, suklay nang suklay ng buhok at silay nang silay sa kanyang crush-- ngayon ay para bang losyang na losyang at pakalat-kalat sa kahit saang huntahan at sugalan.Baon sa utang…parang hagdanan ang anak…nakikipaglaban para sa prinsipyo na tanging ang kahirapan lamang ang makakaunawa. Habang lumilipas ang panahon, pabungal ng pabungal din kasi kahit pang-tooth paste ay walang maipambili. At naaatim na ang kanyang anak ay nanggigitatang namamalimos sa lansangan.

Ang mga bata nga naman ngayon… partner-partner na. Hindi na sa kanila lingid ang sex. Kahit anong oras p’wede silang makapanood ng CD na triple X. Pa’no merong video ang celfon. Kung minsan dahil parehong may trabaho ang magulang—walang tao sa bahay kung kaya malayang magagawa ng mga batang nagka-cutting classes ang kahit ano. As in kahit ano! Maluwag na ang lipunan. Habang pinapayagan ang mga bakla at tomboy ay kasabay nito ang pagpayag sa gawaing kabaklaan at gawaing katomboyan. Totoo na nga ata ang sinasabi ng kanta…baboy na nga ata talaga ang mundo. Bibihira na ang pamilyang hindi nagkakahiwalay. Halos lahat ng mga bata ngayon ay “spoiled brat.”

Wala na atang 'puso-puso' ngayon ang mga bata. E, ano kung makita nilang nag-ii-iyak ang kanilang mga magulang sa harapan ng kanilang guro habang nagmamakaawang ipasa ang kanilang mga anak? E, ano kung ma-disapoint ang kanilang mga magulang? E, ano kung hindi maka-graduate…puro pride…pride at pride.

Kapag kalandian…may panahon. Kapag pag-aaral wala. Kapag barkada…anytime ay available. Kapag pagre-review ay wala. Kapag date, nakakapunta sa oras. Kapag pag-pasok sa eskwela…nale-late. Kapag pambili ng mga burloloy meron. Kapag panggawa ng project ay wala. Laging dahilan ay mahirap sila. Mahirap naman talaga ang buhay kahit dati pa at lahat naman ng bagay ay napaghahandaan.

Yung iba naman, an’lalakas ng loob na galitin ang mga guro. Ang lalakas ng loob na pumasok ng walang assignment. Kahit araw-araw mong ipaalala ay ayaw pa ring sumunod. Kahit ilang beses mong pagsabihan ay wala pa ring pakialam. Masaya na silang nakatitig sa kawalan. Minsan ay may parang sabog pa na pumapasok sa eskwela. Kapag may activity ay hindi gumagawa. Araw-araw ay walang ginagawa kundi ang aliwin ang sarili sa pang-aasar sa iba. Ano ang alam nila kapag natapos na ang taon? Bakit sila pumapayag na piliin nila ang mag-aksaya ng panahon?

Bolpen lang ang katapat mo!

Hay naku, kapag naaalala ko pa ang itsura ng aming room sa araw araw na ginawa ng D’yos. Para kang nasa dump site. Laging nanggigitata. Lagi kong iniisip…ganu’n na ba katamad ang mga bata ngayon? Wala nang nagkukusa, wala nang nagmamalasakit…para bang nangamatay na ang kabataang sinasabi ni Jose Rizal. Sino na kaya ngayon ang pag-asa na bayan? Lahat na ng bata ngayon ay hindi gagawa ng walang katumbas na bagay. Kahit mamatay ang halaman ng school walang pakiaalam. Kahit na yung ibang nagbo-Boyscout at nag-ge-Girlscout…kung walang kapalit ay hindi na magkukusa. Isang kibot…grade. Isang kibot…pagkain. Isang kibot…kapalit. Wala nang libre ngayon…wala nang nakakaunawa ng totoong ibig sabihin ng service…pagbibigay at pag-aalay ng sarili.

Paano pa kaya kung sila na ang uupo bilang opisyales ng gobyerno?

Bolpen lang ang katapat mo!

Lahat na lang ay may reklamo. Puro sarili. Lahat na ata ng kamalian sa bawat bagay ay may paliwanag. Lahat nang bagay ay may kakulangan…kulang ang libro…ang silid…kulang ang baon…kulang ang sweldo….mahirap ang buhay…at marami pang iba… mula sa bibig ng mag-aaral at maging sa bibig ng kahit na sinong guro. Iilan na lamang ba ang nakapagsasabi na masaya ako sa aking sarili. Ilan na lamang ba ang nakakapagpasalamat sa D’yos dahil meron sila kahit paano.

Ito ba yung sapat na dahilan para mangurakot na lang? Kahirapan? Sana hindi ito ang matanim sa isip ng mga batang ito kahit ginagawa ng ilang mga co-teachers kong hungkag ang utak sa kanila.

Nakakapanlumo. Gagawa ka ng grade at isa sa mga ito ang maaalala mo sa bawat estudyante. Bibihira na nga ba ang talagang karapat-dapat? O, ako ba na kanilang guro ang hindi karapat-dapat para sa kanila dahil ako ay makaluma at masyadong values oriented?

“Ipapasa ko ba ang batang ito?”

Sa bawat pagmamarka ko ng aking bolpen, nararamdaman ko ang pagiging hukom. Oo, malimit nanaig ang galit. Dahil sa hayagang natatambad sa aking hubad na mata ang kinasasadlakan ng mga estudyante ngayon. Katamaran…na tila ba nakaposas sa bawat pangarap ng isang kabataan…

“…bolpen lang ang katapat mo...”

Nais ko silang ibagsak dahil kung minsan, bilang guro nais kong ipadama sa kanila ang bunga ng kanilang kapabayaan. Subalit sa pagkakataong ito…magmukha man akong tanga at bobo sa pagtingin ng mga bata…kahit ako’y alipustahin sa pintas at katatawanan nila dahil sa kawalan nila ng utang na loob…o kahit pa sabihin nilang nilamon ko’ng lahat ng aking sinabi…ayaw ko pa ring masayang ang isang taon nila sa pag-aaral…

“Ipapasa ko ba ang batang ito?”

Siguro, bawi na rin ako, sa araw-araw na sermon ko sa kanila. Pero sana maunawaan nila ako…at manatili pa rin kahit paano ang aking inaanay na dignidad. Ipinasa ko sila sa kabila ng paglamon ko sa aking kinagisnang pinaniniwalaan at prinsipyo na itinuro rin nang aking mga naging guro. Tanggapin ko man, sa ayaw ko at sa hindi…ang totoong prublema ay ang sistema ng lipunan. Ang mga batang ito ay biktima lamang ng korupsyon ng sistemang panlipunan na nagsasadlak sa kanila sa kahirapan.

Totoo, mahirap mag-aral ng gutom... mahirap mag-aral ng walang baon... mahirap mag-aral kung ang lahat sa iyong paligid ay humahatak sa iyo palayo sa paaaralan. Nakakawalang gana ang kasawian sa buhay subalit kailangan nating lumaya sa kahirapan at ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral. Sana gawin ng bawat kabataang pag-asa ang kaisipang ito upang tulungan nya ang kanyang sarili at mahal sa buhay na ihango sa hirap ng buhay.

Sana maisip nila, na lahat kaming guro nila ay laging nakaagapay sa kanila. Oo, nagsusungit kami kung minsan. Kung minsan nakakapagbuhat din ng kamay. Dahil ang iniisip namin ay ang kabutihan ninyo. Dahil nais naming maabot ninyo ang inyong mga mumunting pangarap na balang araw ay aariin ninyong mga pinaghirapan ninyo. Kasalo ninyo kami sa inyong kalungkutan, kasalo ninyo kami sa inyong kasiyahan kasi kami ang Nanay at Tatay ninyo sa loob ng paaralan.

Madaling araw na... tapos na ang paggawa ko ng mga grado. Aariin ko na lamang ang lahat ng sumbat na maaari kong ibulalas sa kanila ka. Dahil nais kong maka-graduate ang bawat estudyante kong maloloko, may katigasan ang ulo, at walang pakialam sa mundo ng may dignidad kagaya ng iba.

Lilipas ang panahon. Maghihilom din ang lahat ng sugat. Kapag nag-krus na muli ang ating landas pasasaan ba’t mababatid kong nagtagumpay pala kayo. Doon, t’saka ko pa lang masasabi na hindi ako nagkamali sa pagbibigay ng pagkakataon sa iyo.

“Hindi bolpen ang katapat mo… kundi pagmamahal ng isang guro.”

No comments: