Sunday, September 4, 2011

Paglisan



Nagtataka ako...
Kung bakit...
Nangungusap ang iyong mga mata
Ni hindi nga makatingin sa akin ng diretso
Nangangatog ang iyong mga labi
At tila namumula ang iyong mga pisngi
Samantalang ang tanging ginawa ko lamang
Ay ang sabihing "mahal kita..."

Hindi ka na sumagot
Hinatak mong bigla ang iyong pakakatitig mula sa akin
Mabilis, naglabas ka ng panyo
Hinawi ang luhang nangingilid sa iyong mga mata
Huminga ng malalim
At saka sinabi sa aking
"Wala akong nararamdaman sa iyo..."

Masakit...
Umalingawngaw ang matatalim na katagang iyon
Parang dumilim ang langit
Halos gumuho ang lupang kinatatayuan ko
At tila naagnas ang mga sariwang talulot ng mga bulaklak
Na nais ko sanang ialay sa iyo

Akala ko...
Ang lahat ng ipinakikita mo sa akin ay pagmamahal
Akala ko ang lahat ng nararamdaman ko mula sa iyo
Ay pag-ibig
Akala ko...
Pareho tayo ng nararamdaman

Huminto ang lahat
Tumahimik
Dumaloy ang maraming tagisan ng tanong at sagot sa aking isipan
Nang pagtanggi at pagtanggap
Nang pagsuko at paglaban
Nang pagkatalo at pagpapakumbaba
Nang pagnanasa at kawalan

Habang nangingilid ang luha sa aking mga mata
Kahit mahirap
Isa-isa kong pinilit na sabihin ang bawat pantig
Ng salitang napakahirap banggitin
"Ba...kit..."

Wala kang isinagot
Sa halip...
Kasabay ng pagtalikod mo
Ang mabilis mo ring paglakad na palayo
Kung saan wala na akong nagawa upang pigilin ka
Kung kaylan ang tangi ko na lamang maaaring gawin
Ay ang hayaan kang maging malaya
Kagaya ng nais mo
Habang lumilisan ka ngayon...

No comments: