Thursday, September 15, 2011
Rekoleksyon ng isang teen-ager
1
Umaga. Isipin mong kagigising pa lamang ng iyong diwa. Habang nakapikit pa ang iyong mga mata, pakinggan mo ang tunog na iyong naririnig mula sa iyong kinahihigaan. Ramdamin mo ang iyong paligid. Ramdamin mo ang iyong sarili—ang dugong dumadaloy sa iyong katawan, ang tibok ng iyong puso.
Isipin mong dahan-dahan mong idinidilat ang iyong mga mata. Mula sa dilim, naaninag na ng iyong mata ang liwanag ng umaga ng bumabati sa iyo. Subukan mong igalaw ang iyong paningin, isabay mo ang iyong ulo at ilinga sa paligid ng iyong kinahihigaan.
Mula sa kusina, may narinig kang tinig na tumatawag sa iyo. “Bumangon ka na. Tanghali na. Baka ma-late ka pa.”
Balikan mo ang unang ginagawa mo pagkagising sa umaga. Nakukuha mo pa bang magdasal upang makapagpasalamat sa Dakilang Lumikha? Deretso ka na ba sa banyo upang maligo at makapaghanda. Deretso ka ba sa kusina upang kumain? O, deretso ka na sa iba mong gustong gawin?
“Nakahanda na ang mesa. Kumain ka na.” Kanino ang mapag-anyayang tinig na ito? Sino ang taong nagmamalasakit sa iyo upang gumising ng mas maaga sa iyo upang ipagluto ka ng almusal.
Subukan mong mag-focus sa ulam. Ano ang reaksyon mo? “Ito na naman?” Nakuha mo pa bang magpasalamat? Kakainin mo ba o gusto mong iwan?
Habang nakaupo ka sa harap ng almusal. Isipin mo kung nasaan ka kahapon, nung isang araw, kahit nung mga nakaraang ilang araw pa. Sa school, sa barkada, sa internet shop, sa mall o kahit saang lugar. Masaya ba ang pakiramdam mo habang kasama mo ang iyong mga kaibigan. Gumi-gimmick, nagha-happenings. Kung minsan inaabot pa ng gabi. Kung minsan napapasubo sa gulo. Kung minsan nasusubok ang pagkatao. “Try mo friendship, wag mong pasayarin sa dila yung alak para di ka masuka…sabayan mo ng yosi para tumagal ka…” Kahit magkasuka-suka, magka-ubo-ubo, try pa din para maging in lang sa barkada. Para masabi mong nadaanan mo ang bahaging ito ng buhay, para masabi mong nakumpleto ang iyong pagkatao. Ang saya, ang saya, ang saya-saya.
Paano ka sumasagot sa tanong na ito. “Anak, naibili mo na ba ng pam-project mo yung perang hiningi mo?” Tumitimo ba sa iyo ang mga salitang, “Alam mo namang pag-aaral lang ang maipapamana namin ng iyong tatay sa iyo kaya kahit na ipangutang naming ang gastusin mo sa pag-aaral ay pinipilit namin.”
Ano ang reaksyon mo. Ito ba’y litanya para sa iyo. Ilang ulit mo na ba itong naririnig. Nakukuha mo bang tingnan ang mga magulang mo ng mata sa mata sa tuwing kinakausap ka nila ng puso sa puso.
Napipikon ka ba kapag parang sirang plaka sila na paulit-ulit? Naasar ka ba kapag hindi ka nila maintindihan? Nagagalit ka ba tuwing pinagbabawalan ka? Nagmumukmok ka ba? Naglilihim ka ba? Tumatakas ka ba? Sumisigaw ka ba? Ginagawa mo ba ito ito para marinig ka nila? Para masabi mong kailangang maintindihan ka?
Dinala mo ba iyong inihandang baon sa iyo ng nanay mo o humingi ka na lang ng pera kasi dyahe naman kung magbabaon pa. Humingi ka pa ba pera na pambili ng project, ng pambayad sa kung anu-ano at pang-contribute sa kung saan-saan? Ano ang sinabi mo? Ano ang nasa likod ng isip mo habang ibinibigay ang kailangan mo? Nakapagpasalamat ka ba, o nakulangan ka pa? E, ano nga ba ang gagawin mo sa pera?
Isipin mong nasa labas ka na ng tahanan kung saan nakikita mo ang inyong bahay. Tanungin mo ang iyong sarili, “Ano nga ba ang naitulong ko sa bahay? Asan ba lagi ako?” Kailan nga ba ng huling tumulong ka sa iyong nanay at tatay sa loob ng bahay. May mga ilang ulit na nga ba na tinatakasan ko ang kanilang mga inuutos nila—na kunyari ay busy ako sa paggawa ng assignments, na kunyari ay may practice kami sa school ‘pag weekends o kaya naman, na para bang patay-malisya na wala kang naririnig mula sa kanila. As in dedma lang. Wala lang. Pasok sa kabilang tenga, labas sa kabilang tenga.
2
Kamusta sa school? Mas masaya ka ba dito kasi andito ang mga kaibigan mo. Saan ka na ba nakarating kasama nila? Ano na ba ang mga natikman mong kasama nila? Ano na ba ang hindi alam ng iyong mga magulang na nagawa ninyong magkakabarkada? Ano ang mga sinasabi ng mga teachers mo? Ano ang sinasabi ng mga dating nakakakilala sa iyo na ngayon ay hindi mo na pinapansin? Kamusta na ang pag-aaaral mo?
May panahong nahihirapan ka ba sa pag-aaral? Mahirap ba ang mga subjects? Terror ba ang mga teachers? O, mas marami ang panahong naaawa ka sa iyong sarili kasi wala kang bago. Walang bagong sapatos, walang bagong relo, walang bagong uniform, walang bagong uso katulad ng iba. Marami kang hindi magawa dahil sa marami kang wala. Marami kang hindi marating kasi kapos ang iyong kakayahan. Hindi ka mapansin ng crush mo kasi hindi ka makapagpa-cute—walang pamporma, walang panglibre, walang pang-date.
Nakakalimutan mo ba ang problema sa bahay kapag iba ang kasama mo? Natatakpan ba ng panandaliang kaligayahan ang ingay na iyong narinig mula sa inyong bahay. Mas nakakaramdam ka ba ng pagmamalasakit at pag-unawa mula sa iba kaysa sa iyong sariling kapamilya? Nasabi mo ba sa iyong sarili—kung pwede lang pumili ng magulang ay pinili ko na ang iba.
Balikan mo ang pinakamasasayang sandali na kasama mo ang iyong barkada. Balikan mo rin ang mga kalokohang nalampasan ninyo na muntik na ninyong ikapahamak. Balikan mo rin iyong mga kapalpakan ninyong magkakabarkada na kapag binabalikan mo ay natatawa ka?
Isipin mong gabi na. Syempre mula sa eskwela ay kinakailangan mo nang umuwi. Isipin mong mula sa malayo ay nakikita mo ang inyong bahay. Maliwanag. Maraming tao.
Isipin mong ikaw ay naglalakad palapit patungo sa inyong tahanan. At habang ikaw ay palapit nang palapit ay unti-unti mong naririnig ang iyakan ng mga kapatid mo at ng mga taong naroroon na karamiha’y mga malalapit mong kamag-anak.
At sa pagpasok mo sa sala sasabihin nila sa iyo na patay na ang mga magulang mo. Na parehong patay na ang nanay at tatay mo.
3
Isipin mong dumilim ang lahat. Isipin mong tumahimik ang lahat. Isipin mong nawala ang lahat.
Mula sa kadiliman may nakikita kang dalawang kabaong na lumalapit sa iyo. Buksan mo ang isang kabaong. Doon makikita mo ang iyong nanay na wala ng buhay. Pagod na pagod. Hirap na hirap. Hapong hapo. Hindi na nya nakuhang ipikit ang kanyang mga mata dahil bago siya mamatay ay ikaw ang kanyang hinahanap.
Asan ka ba nung kailangan niya ang tulong mo? Nasan ka ba nung masakit ang kanyang likod, nung nagrereklamo siya dahil sa pamamanhid ng kanyang kamay dahil sa maghapong kalalaba? Asan ka ba nung tinatawag ka niya? Hindi mo ba napansing may sakit na siya? Hindi mo ba narinig na umuubo na siya? Hindi mo man lamang siya sinilip nung hindi siya makabangon nung isang araw?
Tingnan mo ang bangkay ng iyong ina. Hindi na niya nakuhang isara ang kanyang bibig dahil pangalan mo ang kanyang huling sinambit. “Anak mahal kita. Mahal na mahal kita.” Kailan mo ba siya sinabihang mahal mo siya?
Ang kanyang lalamunan ay tuyong tuyo. Nakinig ka ba sa mga sinasabi niya. Mas nananaig ba ang galit mo sa kanya kaysa sa pagmamahal na nararamdaman mo? Marami ka rin bang nais isumbat?
Ang kanyang kamay ay sugat-sugat sa kalalaba ng iyong damit. Natulungan mo ba siya sa mga gawaing bahay?
Ano ang mga hindi mo nasabi sa kanya. Subukan mong yakapin ang bangkay ng iyong ina at sabihin sa kanya ang totoo mong nararamdaman. Na mahal mo siya. Na mahal na mahal mo siya.
Ngayon, tingnan mo ang kabilang kabaong. Naroon ang bangkay ng iyong ama. Payat na payat. Ang kanyang kamay ay puro paltos. Ang kanyang katawan ay sinunog na nang araw sa kakatrabaho. Ang kanyang damit ay lumang luma na.
Kailan ka ba nakapagpasalamat sa kanya sa mga ibinibigay nya sa iyo at sa iyong pamilya. Kailan mo ba siya nayakap at sinabihang, “Salamat.” Ano ang nararamdaman mo mula sa iyong puso? Marami bang galit? Marami bang hinanakit? Ikaw lamang ba ang nakakaramdam at ang nasasaktan? Ano pa ba ang hindi mo nasasabi sa kanya?
4
Sino nga ba ang dalawang taong ito? Sila ang iyong ama at ina na ngayon ay wala nang buhay. Sila ang may ari ng mga kamay na sa iyo ay bumuhay.
Mula sa iyong ina, siyam na buwan kang ipinagbuntis. Halos ikamatay niya ang hirap at sakit habang ikaw ay ipinapanganak. Ang tatay mo naman ay sabik na sabik kang maisilang. Habang mahina pa ang nanay mo, ang tatay mo ang nagtimpla ng gatas mo. Ang tatay mo ang naglaba ng iyong lampin. Ang nagbantay sa iyo habang ikaw ay natutulog. Ikaw ang naging inspirasyon niya sa paghahanap buhay.
Habang ikaw ay lumalaki, sila ang nakarinig sa iyong unang mga salita. Sila ang unang tinawag mo ng “Nanay at tatay.” Sila ang naging saksi sa mga unang paghakbang mo.
Kapag ikaw ay hindi makatulog sa gabi, ang kanilang mainit na kamay ang kumakalong sa iyo. Kapag ikaw ay maysakit, ang kanilang nagmamahal na kamay ang humahaplos sa iyo. Hindi ka nila iniiwan ni saglit man lamang sapagkat ikaw ay kanilang anak. Para sa kanila ikaw ang pinakamamahal nilang anak.
Ngayon sila ay patay na. Pawang mga bangkay na lamang sila sa iyong harapan. Dalawang mga bangkay na namamahinga sa dalawang magkahiwalay na kabaong matapos malagutan ng hininga dahil sa pag-ibig nila sa iyo. Sila ang gumawa ng mga hindi mo kaya. Sila ang nagpuno ng iyong mga
kakulangan. Sila ang nagmay-ari ng mga kamay na ginamit ng Diyos upang ikaw ay lumaki ng ganito.
Sa mga panahong ganito, wala nang magagawa ang pagluha. Wala nang magagawa ang pag-iyak. Tanging ang pagtanggap na lamang sa katotohanan ang maaari mong magawa.
Patay na ang iyong ama at ina.
5
Isipin mo ang eksenang ito. Sementeryo.
Maraming taong nakaitim. Nagluluksa. Maraming umiiyak.
Binubuhat na ang kabaong ng iyong ama at ina patungo sa malaking hukay na paglilibingan nila. Habang inaawit ang “Hindi kita malilimutan, hindi kita pababayaan…” Nag-iiyakan ang mga kapatid mo. Nag-iiyakan ang mga tao.
“Nakaukit magpakaylan man sa aking palad ang iyong pangalan… Malilimutan ba ng isang ina ang anak na galing sa kanya…Hindi kita malilimutan, kaylan man hindi kita pababayaan…”
Ngayon isipin mong pinapala na ang lupa na tatabon sa iyong ama at ina. Patuloy ang pagpala ng lupa na unti-unting tumatabon sa iyong mga magulang. Patuloy ang pagtabon ng lupa sa mga kabaong hanggang sa tuluyan mo nang hindi sila makita. Hanggang sa tuluyan na silang mailibing sa hukay ng kamatayan.
Unti-unti, humihinina ang iyakan. Isa-isa, ang mga tao ay nag-aalisan. Hanggang sa ang natira na lamang ay ikaw at ang mga nakakabatang kapatid mo na nagtatanong, “Paano na tayo ngayon?”
6
Ano nga ba ang katotohanan ng buhay?
Sa buhay nating ito, halos bawat galaw natin ay kailangang gumastos. Pangrenta sa bahay. Pambayad ng kuryente. Pambayad sa telepono. Pambaon sa eskwela. Pambili ng kung anu-ano.
Na ang ating mga magulang ay laging nag-aalala sa atin kapag tayo ay nasasaktan, may problema at lalo pa kapag tayo ay may sakit. Dahil sila ang higit na unang nasasaktan kapag tayo ay may dinaramdam. Na kilala nila tayo dahil sa kanila tayo nagmula. Laman tayo ng kanilang laman. Dugo tayo ng kanilang dugo.
Na ang gabi ay ginagawa nilang araw upang maibigay lamang nila ang ating pangangailangan sa araw-araw. Kahit na abutin pa sila ng sakit, tinitiis nila ang lahat mapasaya lamang nila tayo.
Na iiwan tayo sa ere ng lahat ng itinuturing nating kaibigan, pero ang ating mga magulang ay hindi. Siguro napapagalitan nila tayo pero hanggang dun lang yon. Siguro napagbubuhatan tayo ng kamay pero hanggang dun lang iyon. Siguro nasasabon tayo ng madalas pero hanggang duon lang ang lahat ng iyon. Dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, naroon ang isang ama at ina na nagsasalita hindi ng galit kundi ng pagmamahal sa kanilang pinakamamahal na anak.
Na walang ama at ina na naghangad na mapasama ang kanilang anak dahil mahal nila tayo.
Na may hangganan ang lahat ng narito sa lupa. At ang lahat ng iyon ay paghihiwalayin ng kamatayan. At habang tayo ay buhay, walang ibang pinakamagandang gawin kundi ang ang magmahal at wala ng iba.
Na sa kanila natin unang naramdaman ang pagmamahal ng Dyos dahil ginamit ng Dyos ang kanilang kamay upang yakapin tayo ng Dyos.
Tanggap mo ba ang ilan sa mga katotohanang ito? Mahal mo ba ang iyong mga magulang? May magagawa ka pa ba? Ano pa ba ang nais mong gawin kung kaya mo lamang ibalik ang nakaraan?
Nais mo bang bumalik at ayusin ang nakaraan?
7
Isipin mong bumabalik ang lahat ng mga pangyayari. Isipin mong hinuhukay ang libingan
ng iyong ama at ina. Isipin mong inaangat sila sa mula sa hukay.Isipin mong lumalayo ang dalawang kabaong sa iyong paningin. Isipin mong lumiliwanag ang lahat. Na ikaw ay bumabalik sa eskwela. Na ikaw ay bumabalik sa hapagkainan sa harap ng iyong agahan bago ka pumasok sa eskwela. Na muli kang umakyat sa iyong kwarto at humiga. At muli mong ipikit ang iyong mata at muling ramdamin ang pakiramdam ng isang ordinaryong umaga.
Isipin mong muli na kagigising pa lamang ng iyong diwa. Habang nakapikit pa ang iyong mga mata, pakinggan mo ang tunog na iyong naririnig mula sa iyong kinahihigaan. Muli, ramdamin mo ang iyong paligid. Muli, ramdamin mo ang iyong sarili—ang dugong dumadaloy sa iyong katawan, ang tibok ng iyong puso.
Isipin mong muli na dahan-dahan mong idinidilat ang iyong mga mata. Mula sa dilim, naaninag na ng iyong mata ang liwanag ng umaga ng bumabati sa iyo. Subukan mong muli na igalaw ang iyong paningin, isabay mo ang iyong ulo at ilinga sa paligid ng iyong kinahihigaan.
Mula sa kusina, may narinig kang tinig na tumatawag sa iyo. “Bumangon ka na anak. Nananaginip ka na naman.”
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Recollection