Tuesday, September 27, 2011
Patawarin Mo Ako
Patawarin mo ako kung ako'y naging mapangahas
kung sa pakiramdam mong ikaw ay aking nasaktan
nadala lamang ako ng simbuyo ng aking damdamin
dahil ang buong akala ko, ikaliligaya mo ang nagawa ko
Hindi ka kumikibo ng matagal na panahon
sumasabay ka lamang sa aking mga pagtawa
sa bawat kwento ko akala ko'y ikaw ay nakikinig
subalit sa kalooban mo, naroon pala ang hinanakit
Hanggang isang araw, sumabog ka na lamang
isinumbat mo ang lahat ng iyong kinikimkim na galit
sa pagkakataong ito hindi mo ako binigyan ng pagkakataon
upang magpaliwanag at humingi sa iyo ng paumanhin
Akala mo siguro mahirap akong paliwanagan?
marahil sa maraming pagkakataon nasasaling kita
subalit hindi nangangahulugang sarado ang aking puso
upang ang iyong nasaktang damdamin ay aking unawain
Sa iyong paglisan, saan kita hahahanapin?
sa iyong pagtatampo, paano kita aamuhin?
ngayon ay napagtanto kong may dahilan ka upang magalit
dahil hindi ko nagawang ikaw ay ganap na kilalanin...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Forgiveness,
Letting Go and Letting God,
Love,
Reflection
Thursday, September 15, 2011
Rekoleksyon ng isang teen-ager
1
Umaga. Isipin mong kagigising pa lamang ng iyong diwa. Habang nakapikit pa ang iyong mga mata, pakinggan mo ang tunog na iyong naririnig mula sa iyong kinahihigaan. Ramdamin mo ang iyong paligid. Ramdamin mo ang iyong sarili—ang dugong dumadaloy sa iyong katawan, ang tibok ng iyong puso.
Isipin mong dahan-dahan mong idinidilat ang iyong mga mata. Mula sa dilim, naaninag na ng iyong mata ang liwanag ng umaga ng bumabati sa iyo. Subukan mong igalaw ang iyong paningin, isabay mo ang iyong ulo at ilinga sa paligid ng iyong kinahihigaan.
Mula sa kusina, may narinig kang tinig na tumatawag sa iyo. “Bumangon ka na. Tanghali na. Baka ma-late ka pa.”
Balikan mo ang unang ginagawa mo pagkagising sa umaga. Nakukuha mo pa bang magdasal upang makapagpasalamat sa Dakilang Lumikha? Deretso ka na ba sa banyo upang maligo at makapaghanda. Deretso ka ba sa kusina upang kumain? O, deretso ka na sa iba mong gustong gawin?
“Nakahanda na ang mesa. Kumain ka na.” Kanino ang mapag-anyayang tinig na ito? Sino ang taong nagmamalasakit sa iyo upang gumising ng mas maaga sa iyo upang ipagluto ka ng almusal.
Subukan mong mag-focus sa ulam. Ano ang reaksyon mo? “Ito na naman?” Nakuha mo pa bang magpasalamat? Kakainin mo ba o gusto mong iwan?
Habang nakaupo ka sa harap ng almusal. Isipin mo kung nasaan ka kahapon, nung isang araw, kahit nung mga nakaraang ilang araw pa. Sa school, sa barkada, sa internet shop, sa mall o kahit saang lugar. Masaya ba ang pakiramdam mo habang kasama mo ang iyong mga kaibigan. Gumi-gimmick, nagha-happenings. Kung minsan inaabot pa ng gabi. Kung minsan napapasubo sa gulo. Kung minsan nasusubok ang pagkatao. “Try mo friendship, wag mong pasayarin sa dila yung alak para di ka masuka…sabayan mo ng yosi para tumagal ka…” Kahit magkasuka-suka, magka-ubo-ubo, try pa din para maging in lang sa barkada. Para masabi mong nadaanan mo ang bahaging ito ng buhay, para masabi mong nakumpleto ang iyong pagkatao. Ang saya, ang saya, ang saya-saya.
Paano ka sumasagot sa tanong na ito. “Anak, naibili mo na ba ng pam-project mo yung perang hiningi mo?” Tumitimo ba sa iyo ang mga salitang, “Alam mo namang pag-aaral lang ang maipapamana namin ng iyong tatay sa iyo kaya kahit na ipangutang naming ang gastusin mo sa pag-aaral ay pinipilit namin.”
Ano ang reaksyon mo. Ito ba’y litanya para sa iyo. Ilang ulit mo na ba itong naririnig. Nakukuha mo bang tingnan ang mga magulang mo ng mata sa mata sa tuwing kinakausap ka nila ng puso sa puso.
Napipikon ka ba kapag parang sirang plaka sila na paulit-ulit? Naasar ka ba kapag hindi ka nila maintindihan? Nagagalit ka ba tuwing pinagbabawalan ka? Nagmumukmok ka ba? Naglilihim ka ba? Tumatakas ka ba? Sumisigaw ka ba? Ginagawa mo ba ito ito para marinig ka nila? Para masabi mong kailangang maintindihan ka?
Dinala mo ba iyong inihandang baon sa iyo ng nanay mo o humingi ka na lang ng pera kasi dyahe naman kung magbabaon pa. Humingi ka pa ba pera na pambili ng project, ng pambayad sa kung anu-ano at pang-contribute sa kung saan-saan? Ano ang sinabi mo? Ano ang nasa likod ng isip mo habang ibinibigay ang kailangan mo? Nakapagpasalamat ka ba, o nakulangan ka pa? E, ano nga ba ang gagawin mo sa pera?
Isipin mong nasa labas ka na ng tahanan kung saan nakikita mo ang inyong bahay. Tanungin mo ang iyong sarili, “Ano nga ba ang naitulong ko sa bahay? Asan ba lagi ako?” Kailan nga ba ng huling tumulong ka sa iyong nanay at tatay sa loob ng bahay. May mga ilang ulit na nga ba na tinatakasan ko ang kanilang mga inuutos nila—na kunyari ay busy ako sa paggawa ng assignments, na kunyari ay may practice kami sa school ‘pag weekends o kaya naman, na para bang patay-malisya na wala kang naririnig mula sa kanila. As in dedma lang. Wala lang. Pasok sa kabilang tenga, labas sa kabilang tenga.
2
Kamusta sa school? Mas masaya ka ba dito kasi andito ang mga kaibigan mo. Saan ka na ba nakarating kasama nila? Ano na ba ang mga natikman mong kasama nila? Ano na ba ang hindi alam ng iyong mga magulang na nagawa ninyong magkakabarkada? Ano ang mga sinasabi ng mga teachers mo? Ano ang sinasabi ng mga dating nakakakilala sa iyo na ngayon ay hindi mo na pinapansin? Kamusta na ang pag-aaaral mo?
May panahong nahihirapan ka ba sa pag-aaral? Mahirap ba ang mga subjects? Terror ba ang mga teachers? O, mas marami ang panahong naaawa ka sa iyong sarili kasi wala kang bago. Walang bagong sapatos, walang bagong relo, walang bagong uniform, walang bagong uso katulad ng iba. Marami kang hindi magawa dahil sa marami kang wala. Marami kang hindi marating kasi kapos ang iyong kakayahan. Hindi ka mapansin ng crush mo kasi hindi ka makapagpa-cute—walang pamporma, walang panglibre, walang pang-date.
Nakakalimutan mo ba ang problema sa bahay kapag iba ang kasama mo? Natatakpan ba ng panandaliang kaligayahan ang ingay na iyong narinig mula sa inyong bahay. Mas nakakaramdam ka ba ng pagmamalasakit at pag-unawa mula sa iba kaysa sa iyong sariling kapamilya? Nasabi mo ba sa iyong sarili—kung pwede lang pumili ng magulang ay pinili ko na ang iba.
Balikan mo ang pinakamasasayang sandali na kasama mo ang iyong barkada. Balikan mo rin ang mga kalokohang nalampasan ninyo na muntik na ninyong ikapahamak. Balikan mo rin iyong mga kapalpakan ninyong magkakabarkada na kapag binabalikan mo ay natatawa ka?
Isipin mong gabi na. Syempre mula sa eskwela ay kinakailangan mo nang umuwi. Isipin mong mula sa malayo ay nakikita mo ang inyong bahay. Maliwanag. Maraming tao.
Isipin mong ikaw ay naglalakad palapit patungo sa inyong tahanan. At habang ikaw ay palapit nang palapit ay unti-unti mong naririnig ang iyakan ng mga kapatid mo at ng mga taong naroroon na karamiha’y mga malalapit mong kamag-anak.
At sa pagpasok mo sa sala sasabihin nila sa iyo na patay na ang mga magulang mo. Na parehong patay na ang nanay at tatay mo.
3
Isipin mong dumilim ang lahat. Isipin mong tumahimik ang lahat. Isipin mong nawala ang lahat.
Mula sa kadiliman may nakikita kang dalawang kabaong na lumalapit sa iyo. Buksan mo ang isang kabaong. Doon makikita mo ang iyong nanay na wala ng buhay. Pagod na pagod. Hirap na hirap. Hapong hapo. Hindi na nya nakuhang ipikit ang kanyang mga mata dahil bago siya mamatay ay ikaw ang kanyang hinahanap.
Asan ka ba nung kailangan niya ang tulong mo? Nasan ka ba nung masakit ang kanyang likod, nung nagrereklamo siya dahil sa pamamanhid ng kanyang kamay dahil sa maghapong kalalaba? Asan ka ba nung tinatawag ka niya? Hindi mo ba napansing may sakit na siya? Hindi mo ba narinig na umuubo na siya? Hindi mo man lamang siya sinilip nung hindi siya makabangon nung isang araw?
Tingnan mo ang bangkay ng iyong ina. Hindi na niya nakuhang isara ang kanyang bibig dahil pangalan mo ang kanyang huling sinambit. “Anak mahal kita. Mahal na mahal kita.” Kailan mo ba siya sinabihang mahal mo siya?
Ang kanyang lalamunan ay tuyong tuyo. Nakinig ka ba sa mga sinasabi niya. Mas nananaig ba ang galit mo sa kanya kaysa sa pagmamahal na nararamdaman mo? Marami ka rin bang nais isumbat?
Ang kanyang kamay ay sugat-sugat sa kalalaba ng iyong damit. Natulungan mo ba siya sa mga gawaing bahay?
Ano ang mga hindi mo nasabi sa kanya. Subukan mong yakapin ang bangkay ng iyong ina at sabihin sa kanya ang totoo mong nararamdaman. Na mahal mo siya. Na mahal na mahal mo siya.
Ngayon, tingnan mo ang kabilang kabaong. Naroon ang bangkay ng iyong ama. Payat na payat. Ang kanyang kamay ay puro paltos. Ang kanyang katawan ay sinunog na nang araw sa kakatrabaho. Ang kanyang damit ay lumang luma na.
Kailan ka ba nakapagpasalamat sa kanya sa mga ibinibigay nya sa iyo at sa iyong pamilya. Kailan mo ba siya nayakap at sinabihang, “Salamat.” Ano ang nararamdaman mo mula sa iyong puso? Marami bang galit? Marami bang hinanakit? Ikaw lamang ba ang nakakaramdam at ang nasasaktan? Ano pa ba ang hindi mo nasasabi sa kanya?
4
Sino nga ba ang dalawang taong ito? Sila ang iyong ama at ina na ngayon ay wala nang buhay. Sila ang may ari ng mga kamay na sa iyo ay bumuhay.
Mula sa iyong ina, siyam na buwan kang ipinagbuntis. Halos ikamatay niya ang hirap at sakit habang ikaw ay ipinapanganak. Ang tatay mo naman ay sabik na sabik kang maisilang. Habang mahina pa ang nanay mo, ang tatay mo ang nagtimpla ng gatas mo. Ang tatay mo ang naglaba ng iyong lampin. Ang nagbantay sa iyo habang ikaw ay natutulog. Ikaw ang naging inspirasyon niya sa paghahanap buhay.
Habang ikaw ay lumalaki, sila ang nakarinig sa iyong unang mga salita. Sila ang unang tinawag mo ng “Nanay at tatay.” Sila ang naging saksi sa mga unang paghakbang mo.
Kapag ikaw ay hindi makatulog sa gabi, ang kanilang mainit na kamay ang kumakalong sa iyo. Kapag ikaw ay maysakit, ang kanilang nagmamahal na kamay ang humahaplos sa iyo. Hindi ka nila iniiwan ni saglit man lamang sapagkat ikaw ay kanilang anak. Para sa kanila ikaw ang pinakamamahal nilang anak.
Ngayon sila ay patay na. Pawang mga bangkay na lamang sila sa iyong harapan. Dalawang mga bangkay na namamahinga sa dalawang magkahiwalay na kabaong matapos malagutan ng hininga dahil sa pag-ibig nila sa iyo. Sila ang gumawa ng mga hindi mo kaya. Sila ang nagpuno ng iyong mga
kakulangan. Sila ang nagmay-ari ng mga kamay na ginamit ng Diyos upang ikaw ay lumaki ng ganito.
Sa mga panahong ganito, wala nang magagawa ang pagluha. Wala nang magagawa ang pag-iyak. Tanging ang pagtanggap na lamang sa katotohanan ang maaari mong magawa.
Patay na ang iyong ama at ina.
5
Isipin mo ang eksenang ito. Sementeryo.
Maraming taong nakaitim. Nagluluksa. Maraming umiiyak.
Binubuhat na ang kabaong ng iyong ama at ina patungo sa malaking hukay na paglilibingan nila. Habang inaawit ang “Hindi kita malilimutan, hindi kita pababayaan…” Nag-iiyakan ang mga kapatid mo. Nag-iiyakan ang mga tao.
“Nakaukit magpakaylan man sa aking palad ang iyong pangalan… Malilimutan ba ng isang ina ang anak na galing sa kanya…Hindi kita malilimutan, kaylan man hindi kita pababayaan…”
Ngayon isipin mong pinapala na ang lupa na tatabon sa iyong ama at ina. Patuloy ang pagpala ng lupa na unti-unting tumatabon sa iyong mga magulang. Patuloy ang pagtabon ng lupa sa mga kabaong hanggang sa tuluyan mo nang hindi sila makita. Hanggang sa tuluyan na silang mailibing sa hukay ng kamatayan.
Unti-unti, humihinina ang iyakan. Isa-isa, ang mga tao ay nag-aalisan. Hanggang sa ang natira na lamang ay ikaw at ang mga nakakabatang kapatid mo na nagtatanong, “Paano na tayo ngayon?”
6
Ano nga ba ang katotohanan ng buhay?
Sa buhay nating ito, halos bawat galaw natin ay kailangang gumastos. Pangrenta sa bahay. Pambayad ng kuryente. Pambayad sa telepono. Pambaon sa eskwela. Pambili ng kung anu-ano.
Na ang ating mga magulang ay laging nag-aalala sa atin kapag tayo ay nasasaktan, may problema at lalo pa kapag tayo ay may sakit. Dahil sila ang higit na unang nasasaktan kapag tayo ay may dinaramdam. Na kilala nila tayo dahil sa kanila tayo nagmula. Laman tayo ng kanilang laman. Dugo tayo ng kanilang dugo.
Na ang gabi ay ginagawa nilang araw upang maibigay lamang nila ang ating pangangailangan sa araw-araw. Kahit na abutin pa sila ng sakit, tinitiis nila ang lahat mapasaya lamang nila tayo.
Na iiwan tayo sa ere ng lahat ng itinuturing nating kaibigan, pero ang ating mga magulang ay hindi. Siguro napapagalitan nila tayo pero hanggang dun lang yon. Siguro napagbubuhatan tayo ng kamay pero hanggang dun lang iyon. Siguro nasasabon tayo ng madalas pero hanggang duon lang ang lahat ng iyon. Dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, naroon ang isang ama at ina na nagsasalita hindi ng galit kundi ng pagmamahal sa kanilang pinakamamahal na anak.
Na walang ama at ina na naghangad na mapasama ang kanilang anak dahil mahal nila tayo.
Na may hangganan ang lahat ng narito sa lupa. At ang lahat ng iyon ay paghihiwalayin ng kamatayan. At habang tayo ay buhay, walang ibang pinakamagandang gawin kundi ang ang magmahal at wala ng iba.
Na sa kanila natin unang naramdaman ang pagmamahal ng Dyos dahil ginamit ng Dyos ang kanilang kamay upang yakapin tayo ng Dyos.
Tanggap mo ba ang ilan sa mga katotohanang ito? Mahal mo ba ang iyong mga magulang? May magagawa ka pa ba? Ano pa ba ang nais mong gawin kung kaya mo lamang ibalik ang nakaraan?
Nais mo bang bumalik at ayusin ang nakaraan?
7
Isipin mong bumabalik ang lahat ng mga pangyayari. Isipin mong hinuhukay ang libingan
ng iyong ama at ina. Isipin mong inaangat sila sa mula sa hukay.Isipin mong lumalayo ang dalawang kabaong sa iyong paningin. Isipin mong lumiliwanag ang lahat. Na ikaw ay bumabalik sa eskwela. Na ikaw ay bumabalik sa hapagkainan sa harap ng iyong agahan bago ka pumasok sa eskwela. Na muli kang umakyat sa iyong kwarto at humiga. At muli mong ipikit ang iyong mata at muling ramdamin ang pakiramdam ng isang ordinaryong umaga.
Isipin mong muli na kagigising pa lamang ng iyong diwa. Habang nakapikit pa ang iyong mga mata, pakinggan mo ang tunog na iyong naririnig mula sa iyong kinahihigaan. Muli, ramdamin mo ang iyong paligid. Muli, ramdamin mo ang iyong sarili—ang dugong dumadaloy sa iyong katawan, ang tibok ng iyong puso.
Isipin mong muli na dahan-dahan mong idinidilat ang iyong mga mata. Mula sa dilim, naaninag na ng iyong mata ang liwanag ng umaga ng bumabati sa iyo. Subukan mong muli na igalaw ang iyong paningin, isabay mo ang iyong ulo at ilinga sa paligid ng iyong kinahihigaan.
Mula sa kusina, may narinig kang tinig na tumatawag sa iyo. “Bumangon ka na anak. Nananaginip ka na naman.”
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Recollection
Sunday, September 11, 2011
Repleksiyon
Saan patutungo ang buhay na ito
Tagumpay lamang ba ang aking hinahangad
Kayamanan sa lupa ang tangi kong dangal
Kung ako’y yayao saan pupunta?
Aking kaluluwa’y saan mananahan?
Sa paghahanap ko sa dahilan ng ligaya,
Dumako ako sa madilim na landas
Hinayaang sarili’y masilaw ng kinang
Huwad na ligaya’y sa aki’y luminlang
At nang ako’y nagising ako ay nag-iisa.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Punebre 3
Sa isang saglit ng napakagandang oras
Biglang naluoy ang ligaya ng pighati
Ang kaselanan ng isang pag-iibigan
Binasag ng kamandag ng pamamaalam.
Ang dating mainit na labing dumadampi sa aking kapwa labi
Ngayo’y tuyot na kasabay ng mga bulaklak na nilanta ng sandali
Sa aking pinid na pagluha’t mapait na tiim-bagang na pagtangis
Ang pagsigaw sa aking pagkatao’t pangungulila ng aking kaluluwa.
Sa aking gunita na lamang mawawari ang lahat ng ala-ala
Nang mga inusal nang ating pusong pangako ng ibigan
Ang mainit na yakap na ‘sing higpit ng kasabikan
Ay tanikalang kumalas sa lumbay ng paghihiwalay.
Yayakapin kita hanggang sa huling sandali
Hindi matitinag ng pagluha ang aking pag-ibig
Ni-kamataya’y maglalayo sa isang buhos ng ulan
At paglisan ng mga anino’t pagtalikod ng buhay.
Mga uod lamang ba ang magliliwaliw sa ligaya?
Habang sila’y nakikipagtalik sa iyong katawang lupa
Kasabay ng pagkalasog ng alindog ng kabataan
Na aking nadama sa gitna ng kasalanan.
Luluha ako ng habangbuhay, kasabay ng pagpatak ng ulan ng alapaap
Magluluksa sa bawat pagmulat hanggang magdiwang sa aking pagpanaw
Mananabik sa iyong kaluluwang makipagniig muli sa ‘kin
Kung saan wala nang hangganan ang buhay at kamatayan.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pangako sa Bayan 2
Sa gitna ng dilim
Na agaw liwanag
Pusikit na pag-asa’y
‘Di-mabanaag
Lahat ng palahaw
Nilamon ng pangarap
Luhang pumatak
Sa daigdig ay pumanaw.
Lupaypay na katawan
Pagal na isipan
Uhaw na damdamin
Nagngangalit na bagang
Duguang mga palad
Sumusukong kamay
Pulang watawat
Sa hangi’y kumaway.
Libingan ng ala-ala
Kaluluwang lumisan
Mga matang nakatingin
Bulag sa katotohanan
Pagdurong mapanlibak
Bulaang mga salita
Humahalakhak sa pagkakasala
Ang mga imbing taliwas.
Mga tupa’y nakamasid
Nakagiti sa katayan
Walang muwang sa kaganapan
Sa kahayupang tumambad
Nagtataka’t nagtatanong
Sa pagbabago ng hangin
Ang dating pulo’t gata’y
Langis at tubig na.
Butas na bulsa
Yaman ay kaisipan
Kumakalam na tiyan
Dangal ang kabusugan
Pagod na mga paa
Katotohanan ang landas
Sumusukong katawan
Katarungan ang lunas.
Mula sa Isang Naghihingalong Guro
Ang buhay mo ay hindi para sa iyo
Isang buhay na pumipintig at humihinga
‘Di-para sa sarili kundi para sa kapwa buhay
Upang timbangin ang kahulugan at dahilan upang mabuhay.
Wala kang pinagkakautangan ng buhay
‘Pagkat kasangkapan sila ng pagkasilang mo
Upang iluwal ka sa daigdig ng mga buhay at nakikidigma
Gaya ng paglalang sa kanila ng kanilang kapwa magulang.
Kapatid mo ang masa ng kapwa buhay
Na pumipintig at humihinga rin sa ilalim ng araw
Na tulad mo’y isang bahagi ng mukha ng sandaigdigan
Na walang pinag-iba sa iyong pinagpalang kaluluwa.
At ang kalayaan ay ipinakikilala ko sa iyo
Hindi bilang kasaysayan, kundi bilang ikaw
Mula ng talikuran mo ang iyong sarili’t ibinahagi para sa iba
At nang ibinuwis mo ang iyong dugo dahil sa pag-ibig sa kapwa.
Ikaw ang ama’t ina ng laksang musmos na kaisipan
Na darating at lilisan baon ang iyong mga aral
Ikaw ang ilaw ng isang pusikit na liwanag
Nang isang sisibol, lalago at tatayog balang araw.
Tanglaw ka sa bayan ng bawat pagal ng nilikha
Na uhaw sa karununga’t iginugupo ng kaapihan
Ikaw ang pag-asa ng bawat hibik ng maralita
Na dinidikdik sa hukay ng tanikala ng kahirapan.
Tunguhin mong kabundukan, galugarin masukal na kagubatan
Doo’y may dumadalangin na sila’y mapaglingkuran
Maglakbay ka sa kapatagan, bumaybay sa tabing dagat
Sundin mo ang iyong puso, maging sa likod ng rehas na bakal.
Ang kapayapaa’y ihatid mo sa bawat bayan at lun’sod
Katukin ang bawat puso ng nag-uumpugang prinsipyo
Magkakapatid, magkakadugo, Ipaalala mo sa kanila:
“Ang pagmamahal ng isang tao”
Na iyong ‘di-lang bibigkasin, kundi isasagawa rin.
Ipakilala mo ang karapatan at pagrespeto sa kanilang kapwa
Turuan mo silang mangarap ng sama-sama bawat lahi
Sa isang bubong ng kalangitan, walang puwang ang digmaan
Kung paiiralin sa bawat puso ang diwa ng katarungan.
Ingatan mo ang iyong sarili’t ‘wag sumuko ka’ylan man
‘Pagkat ikaw ang buhay na katugunan ng bawat nangangarap na kabataan
Kapag ikaw ay napagod dahil ikaw ay tao lang
Alalahanin mo ako sa iyong pag-iisa na iyong naging guro din.
Ikaw ay ikaw, oo, walang pinag-iba sa iba
Ngunit ang kalooban mo’y higit na dalisay
Doon umaagos ang lahat ng luha at saya
Sa bawat pagdating at paglisan ng bawat tinuruan.
Kapag ikaw ay tumanda na, gaya ko’t nangungulila
Sila’y darating sa banig ng iyong karamdaman
Isa-isang magpapadama ng kanilang palad pasasalamat
Sa kabila ng kulubot, naghihingalo at hukot mong katawan.
“Wag kang lumuha aking anak, kamataya’y hangganan ng buhay
Kandila’y nauupos rin, naghihingalo’t umaandap
Ikaw ang nagsisilbing liwanag ko sa huling sandali
Isang buhay ang lilipas…laksang buhay ang papalit.”
Didilim ang langit sa bawat tao balang araw
Subalit hindi ang tinig mo na patuloy na aalingawngaw
Ala-ala ng kabayaniha’y mananatiling sariwa
Sa puso ng bawat kabataang iyong matiyagang tinuruan.
KANLUNGAN
Halika na aking anak sa tahanan mong dapat
Kung saan kalaayaa’y ganap at tagumpay
Luwalhati’y mananahan, pangamba’y papanaw
Bulaklak na kanlungan hindi maluluoy kay’lan man.
Pumayapa ka sa aking bisig gaya nang iyong kabataan
Kung kay’lan sanggol kang maingat na idinuduyan
Umuha kang muli’t batiin ang bagong daigdig
Sa pagsilay ng umaga sa muli mong paggising.
Hihilumin ko ang iyong sugatang kaluluwang pagal
Dahil sa pakikibaka’t pakikipaglaban para sa katarungan
Mga hikbi mo’y aaluin ng yakap ng iyong bayan
Pamamaalam ay walang hanggan, ‘pagkat bahagi ka ng bukas.
Walang humpay na wawagayway sa hanging dalisay
Watawat ng kabayanihan mo’y hindi magmamayaw
Duguang sandata’y humimlay man sa wakas ng digmaan
Ngunit hindi ang adhikaing ugat ng ating paglaban.
Walang maiidlip sa gabi ng iyong pagluluksa
Aalingawngaw ang sigaw ng iyong hibik na pagluha
Pinid na mga tinig ngayo’y maghuhumiyaw
Manunumpa sa harap ng iyong duguang bangkay.
Halika na aking anak at ipamana na ang iyong laban
Tutungo na tayo sa dalisay na kanlungan
Luwalhati’y mananahan, pangamba’y papanaw
Kung saan kalaayaa’y ganap at tagumpay.
KAMAY NG ISANG ANGHEL
(Alay sa mga batang nagsa-sakada)
Muling iniambay mula sa kalawakan
Kamay ng isang anghel na sinunog ng araw
Igagapas sa tubuhang minana sa nakaraan
Gaya ng pagkaalipin, di-alam kung sa’n nagmula.
Mga kamay na kay’liit subalit maliksi
Nagpupumilit maging hutok ‘pagkat aba at api
Walang pangarap kun’di kalayaan ay makamit
Sa tubuhang hindi pag-aari subalit naghahari.
Kumakalam na sikmura ang lakas araw-araw
Pag-asa’y nilagas ng kawalang katarungan
Tubo’y ibinabaon kasabay nang dangal
Mamanahan ay luha at bigong ala-ala.
Tigang na lupain ang papel na sulatan
Kung saan sinasatitik ang pag-asa ng buhay
Sa bawat pagkalahig, kabigua’y ‘di-alintana
Pagkat pinanday ng pangarap ang murang kaisipan.
Kamay na pagal ang kalasag at sandata
Sa laban ng buhay pagmamahal ang sandigan
Apoy sa dibdib nagsisimulang mag-alab
Gaya ng mga lumisan na nagpamana ng laban.
Br.Dennis DC. Marquez, sSSS
Para sa Aking Minamahal
Sa buhay na tinatawag na ito,
Nakakapagtaka...
Sa matagal na paghahanap
Dahil sa masidhing pangungulila
Kapag nakita ang nais natin
Ipinipikit natin ang ating mata
At niyayakap natin ang kalungkutan.
Nais nating umibig at mahalin
Subalit ayaw nating madarang
Sa silahis ng suyuan
Bagkus sumisilong tayo
Sa dilim ng pagkabalisa
Upang makaniig
Ang luha at pangamba.
Sa halip na sumambit
Nang matamis na pagsuyo
Isang busilak na pag-ibig
Ang patuloy na niluoy
Inagnas na ng panahon
Sinugatan ng kahapon
Naghihintay pa rin
Sa haplos ng paglilo.
Nangangatal na kaluluwang
Nanabik sa isang halik
Nanghihina’t umaandap
Na pag-asa ang kalasag
Sa nawalay na ligaya
Nagmumuning nakaabang
Sa sidhing nadarama
Binabalot ng kasabikan.
Kailan kaya darating
Ang hinihintay na puso
Kailan muling maririnig
Ang tinig ng pangako
Mga yakap na mahigpit
Kailan muling madarama
Sa pagsapit ng umaga
Kailan muli liligaya?
Umaasa man sa kawalan,
Maghihintay hanggang wagas
Hindi hahadlang ang sigwa
Sa pagtunghay sa kariktan
Nilisan man isang aninong
Nakayupyop sa dalamhati
Mangingibabaw ang pag-ibig
Sa iyong pagbabalik.
Nais kong muling mayakap
Ang kaluluwang inibig ko
Itinanging kabahagi’t
Dahilan ng pangarap ko--
Masayang magkaakbay
Sa maghapong ibigan
Patungo sa landas
Nang walang hanggang kaligayahan.
Kapag ako’y tumanda
Nais ko’y kapiling kita
Sa silyang tumba-tumba
Magkahawak kamay
Magkasamang nagmumuni--
Habang sabay nating babalikan
Ang lahat ng nakaraan
Kung kailan naging bahagi
Itong pagsubok ng ibigan.
At kung ako’y pumanaw
Ihahabilin lamang kita
Sa ating Amang lumikha
Na naging sumbungan ko
Sa oras ng aking kalungkutan
Upang matunghay ko
Ang iyong kabutihan
Na sa aki’y dumalisay
Upang ibigin ka lamang ng tunay.
Kung uulitin ang buhay ko
Nais kong maging ako ay ako
Nais kong maging ikaw ay ikaw
Upang sa pag-ulit ng panahon
Kung manumbalik ang lahat
Magkikita tayong muli
Nang wala na ang galit
Bagkus mangibabaw
Ang kadakilaan ng pag-ibig.
Bolpen
Gabi ng Marso…gawaan ng final grades ng mga graduating fourth year students. Gamit ang lumang calculator, recordbook at isang bolpen…isa-isa ay kino-compute ko ang mga grado ng bawat batang aking tinuturuan. Habang tulog na ang lahat, gising pa ako. Habang lumalalim ang bawat lumilipas na gabi, lumamalalim din ang aking pangangalu-mata. May deadline…kailangang maka-submit ng grades.
Ako at ang bolpen ang magkasama sa magdamag. Sabay naming iginuguhit ang tadhana nang bawat isa sa aking mag-aaral.
Parang mga larawang nagpa-flash back ang bawat mukha ng aking mga mag-aaral. Sa bawat record na aking itinatala ay nanunumbalik ang lahat ng mga bagay na nakakapag-paalala sa kanila.
May mga sandaling napapahinto ako at ‘saka mapapatanong sa aking sarili, “XXXX-ina, Ipapasa ko ba ang mga batang ito?”
Bolpen lang ang katapat mo!
Bilang guro, kilalang-kilala ko ang aking mga estudyante. Alam ko kung saan sila mahina sa aking asignatura. Alam ko kung sino ang magagaling. Kaya kong isa-isahin ang lahat ng kapalpakan nila. Alam na alam ko kung bakit sila babagsak…dahil hindi sila makatugon sa mga standards ko.
Ang mga bata nga naman ngayon…ibang-iba sa aming panahon. Dati ang 80 na grado ay iniiyakan na namin, pero ngayon…75 na grado ay okay na. Kung bumagsak ay okay pa rin. Wala nang pagpapahalaga. Ni-hindi nga ata namu-murublema sa kanilang kinabukasan. Easy go lucky...
Ilang ulit bang naging values education ang klase ko. Halos nagmumukhang misa ang aking klase sa kasesermon sa mga bata. Paulit-ulit lang naman. Para akong sirang “CD”-- sa kauulit ng mga bagay na para bang walang k’wenta sa mga kabataan ngayon.
Bolpen lang ang katapat mo!
Kung bakit naman kasi ang hilig lumiban ng mga bata sa eskwelahan? Kung bakit kasi ang hilig mag-cutting classes ng mga bata ngayon? Ano kaya ang nahihita ng mga bata sa kakalaro ng computer games bukod sa pag-aaksaya ng oras at pera? Ano ang ginagawa ng mga magulang nila? Bakit nakararating sila sa fourth year level ng walang kaalam-alam at walang kapaki-pakiaalam. E, sino nga ba ang nagmamalasakit? An’diyan na ang lahat ng rason: pinag-alaga ng nakababatang kapatid…walang tao sa bahay…nagkasakit na ang lahat… namatay na ang lahat…naiburol na ang lahat…at nailibing na ang lahat…kulang na lang sabihin ay nagmulto na ang lahat! Lahat na ng alibi ay nasambit na. Lahat na lang ay palaging may dahilan.
Nakakainit ng dugo. Nakakanginig ng laman. Kapag maaalala mo ang mga kalokohan ng isang estudyante na hindi karapat-dapat pumasa. Kung sino pa ang mahihina sila pa ang may katigasan ang ulo. Kung sino pa ang walang ginagawa sa loob ng silid aralan kundi ang mang-asar at manggulo, sila pa ang hindi nakakaalalang magpasalamat.
Bolpen lang ang katapat mo!
‘Yung room naming ay nagmumukhang boxing arena kapag may nag-away. Kung hindi man arena, nagmumukha naman itong lovers' lane dahil sa sweetness ng mga estudyanteng magso-syota kapag walang guro kapag break. Parang nasa sinisilaban ako minsan kapag kasama ko ang mga batang ito. Kung minsan kapag nasusuya ako sa kanila, para bang matutuyuan ka ng dugo kapag nakikita ko sila. Mawawalan ka na ng boses sa kasasaway. Ang kukulit…nakakasuya... at minsan ay nakakasawa na.
Bolpen lang ang katapat mo!
Kung alam lang sana nang bawat isang estudyante kung saan sila pupulutin kung ayaw nilang mag-aral ng mabuti. Baka sa susunod na lima o sampung taon, sila na ang mga druglords na tinutugis ng may kapangyarihan…baka sila na ang mga holdaper na nakapatay o napapatay sa gabi ng holdapan…baka sila na ang mga prostitute na nagpuputa sa gilid-gilid at sa kung saan-saang prostitution den ibinubugaw…baka sila na ang magiging kapitbahay kong addict na manggagahasa sa aking mga mahal sa buhay…magiging tambay na manggugulo ng pamilya ng may pamilya… baka sila na ang mga papatay sa akin balang araw…Diyos ko! Sumalangit nawa ako!
Kapit sa patalim ang bawat isang kaluluwa na walang maipakain sa kanyang mahal sa buhay. Walang maipanggatas at walang maipampa-ospital sa kanyang naghihingalong anak. Kahit illegal, papasukin mabuhay lang. Kagaya ngayon…walang bata-bata sa droga, sugal…kahit sa prostitusyon. Wala na ‘atang edad na pinipili ang kuko ng kasamaan.
Kung hindi man kapahamakan ang kahihinatnan nila…maagang pag-aasawa naman at ang maagang pagkakaanak ang magiging kalbaryo nila. Na kapag nakita mo, walang kahihiyang nagluluyloy ng kanilang suso sa tabi ng lansangan…mukhang dugyutin, namamaho at ang dating maarteng bata na aking nakilala-- na laging nananalamin, panay pabango, suklay nang suklay ng buhok at silay nang silay sa kanyang crush-- ngayon ay para bang losyang na losyang at pakalat-kalat sa kahit saang huntahan at sugalan.Baon sa utang…parang hagdanan ang anak…nakikipaglaban para sa prinsipyo na tanging ang kahirapan lamang ang makakaunawa. Habang lumilipas ang panahon, pabungal ng pabungal din kasi kahit pang-tooth paste ay walang maipambili. At naaatim na ang kanyang anak ay nanggigitatang namamalimos sa lansangan.
Ang mga bata nga naman ngayon… partner-partner na. Hindi na sa kanila lingid ang sex. Kahit anong oras p’wede silang makapanood ng CD na triple X. Pa’no merong video ang celfon. Kung minsan dahil parehong may trabaho ang magulang—walang tao sa bahay kung kaya malayang magagawa ng mga batang nagka-cutting classes ang kahit ano. As in kahit ano! Maluwag na ang lipunan. Habang pinapayagan ang mga bakla at tomboy ay kasabay nito ang pagpayag sa gawaing kabaklaan at gawaing katomboyan. Totoo na nga ata ang sinasabi ng kanta…baboy na nga ata talaga ang mundo. Bibihira na ang pamilyang hindi nagkakahiwalay. Halos lahat ng mga bata ngayon ay “spoiled brat.”
Wala na atang 'puso-puso' ngayon ang mga bata. E, ano kung makita nilang nag-ii-iyak ang kanilang mga magulang sa harapan ng kanilang guro habang nagmamakaawang ipasa ang kanilang mga anak? E, ano kung ma-disapoint ang kanilang mga magulang? E, ano kung hindi maka-graduate…puro pride…pride at pride.
Kapag kalandian…may panahon. Kapag pag-aaral wala. Kapag barkada…anytime ay available. Kapag pagre-review ay wala. Kapag date, nakakapunta sa oras. Kapag pag-pasok sa eskwela…nale-late. Kapag pambili ng mga burloloy meron. Kapag panggawa ng project ay wala. Laging dahilan ay mahirap sila. Mahirap naman talaga ang buhay kahit dati pa at lahat naman ng bagay ay napaghahandaan.
Yung iba naman, an’lalakas ng loob na galitin ang mga guro. Ang lalakas ng loob na pumasok ng walang assignment. Kahit araw-araw mong ipaalala ay ayaw pa ring sumunod. Kahit ilang beses mong pagsabihan ay wala pa ring pakialam. Masaya na silang nakatitig sa kawalan. Minsan ay may parang sabog pa na pumapasok sa eskwela. Kapag may activity ay hindi gumagawa. Araw-araw ay walang ginagawa kundi ang aliwin ang sarili sa pang-aasar sa iba. Ano ang alam nila kapag natapos na ang taon? Bakit sila pumapayag na piliin nila ang mag-aksaya ng panahon?
Bolpen lang ang katapat mo!
Hay naku, kapag naaalala ko pa ang itsura ng aming room sa araw araw na ginawa ng D’yos. Para kang nasa dump site. Laging nanggigitata. Lagi kong iniisip…ganu’n na ba katamad ang mga bata ngayon? Wala nang nagkukusa, wala nang nagmamalasakit…para bang nangamatay na ang kabataang sinasabi ni Jose Rizal. Sino na kaya ngayon ang pag-asa na bayan? Lahat na ng bata ngayon ay hindi gagawa ng walang katumbas na bagay. Kahit mamatay ang halaman ng school walang pakiaalam. Kahit na yung ibang nagbo-Boyscout at nag-ge-Girlscout…kung walang kapalit ay hindi na magkukusa. Isang kibot…grade. Isang kibot…pagkain. Isang kibot…kapalit. Wala nang libre ngayon…wala nang nakakaunawa ng totoong ibig sabihin ng service…pagbibigay at pag-aalay ng sarili.
Paano pa kaya kung sila na ang uupo bilang opisyales ng gobyerno?
Bolpen lang ang katapat mo!
Lahat na lang ay may reklamo. Puro sarili. Lahat na ata ng kamalian sa bawat bagay ay may paliwanag. Lahat nang bagay ay may kakulangan…kulang ang libro…ang silid…kulang ang baon…kulang ang sweldo….mahirap ang buhay…at marami pang iba… mula sa bibig ng mag-aaral at maging sa bibig ng kahit na sinong guro. Iilan na lamang ba ang nakapagsasabi na masaya ako sa aking sarili. Ilan na lamang ba ang nakakapagpasalamat sa D’yos dahil meron sila kahit paano.
Ito ba yung sapat na dahilan para mangurakot na lang? Kahirapan? Sana hindi ito ang matanim sa isip ng mga batang ito kahit ginagawa ng ilang mga co-teachers kong hungkag ang utak sa kanila.
Nakakapanlumo. Gagawa ka ng grade at isa sa mga ito ang maaalala mo sa bawat estudyante. Bibihira na nga ba ang talagang karapat-dapat? O, ako ba na kanilang guro ang hindi karapat-dapat para sa kanila dahil ako ay makaluma at masyadong values oriented?
“Ipapasa ko ba ang batang ito?”
Sa bawat pagmamarka ko ng aking bolpen, nararamdaman ko ang pagiging hukom. Oo, malimit nanaig ang galit. Dahil sa hayagang natatambad sa aking hubad na mata ang kinasasadlakan ng mga estudyante ngayon. Katamaran…na tila ba nakaposas sa bawat pangarap ng isang kabataan…
“…bolpen lang ang katapat mo...”
Nais ko silang ibagsak dahil kung minsan, bilang guro nais kong ipadama sa kanila ang bunga ng kanilang kapabayaan. Subalit sa pagkakataong ito…magmukha man akong tanga at bobo sa pagtingin ng mga bata…kahit ako’y alipustahin sa pintas at katatawanan nila dahil sa kawalan nila ng utang na loob…o kahit pa sabihin nilang nilamon ko’ng lahat ng aking sinabi…ayaw ko pa ring masayang ang isang taon nila sa pag-aaral…
“Ipapasa ko ba ang batang ito?”
Siguro, bawi na rin ako, sa araw-araw na sermon ko sa kanila. Pero sana maunawaan nila ako…at manatili pa rin kahit paano ang aking inaanay na dignidad. Ipinasa ko sila sa kabila ng paglamon ko sa aking kinagisnang pinaniniwalaan at prinsipyo na itinuro rin nang aking mga naging guro. Tanggapin ko man, sa ayaw ko at sa hindi…ang totoong prublema ay ang sistema ng lipunan. Ang mga batang ito ay biktima lamang ng korupsyon ng sistemang panlipunan na nagsasadlak sa kanila sa kahirapan.
Totoo, mahirap mag-aral ng gutom... mahirap mag-aral ng walang baon... mahirap mag-aral kung ang lahat sa iyong paligid ay humahatak sa iyo palayo sa paaaralan. Nakakawalang gana ang kasawian sa buhay subalit kailangan nating lumaya sa kahirapan at ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral. Sana gawin ng bawat kabataang pag-asa ang kaisipang ito upang tulungan nya ang kanyang sarili at mahal sa buhay na ihango sa hirap ng buhay.
Sana maisip nila, na lahat kaming guro nila ay laging nakaagapay sa kanila. Oo, nagsusungit kami kung minsan. Kung minsan nakakapagbuhat din ng kamay. Dahil ang iniisip namin ay ang kabutihan ninyo. Dahil nais naming maabot ninyo ang inyong mga mumunting pangarap na balang araw ay aariin ninyong mga pinaghirapan ninyo. Kasalo ninyo kami sa inyong kalungkutan, kasalo ninyo kami sa inyong kasiyahan kasi kami ang Nanay at Tatay ninyo sa loob ng paaralan.
Madaling araw na... tapos na ang paggawa ko ng mga grado. Aariin ko na lamang ang lahat ng sumbat na maaari kong ibulalas sa kanila ka. Dahil nais kong maka-graduate ang bawat estudyante kong maloloko, may katigasan ang ulo, at walang pakialam sa mundo ng may dignidad kagaya ng iba.
Lilipas ang panahon. Maghihilom din ang lahat ng sugat. Kapag nag-krus na muli ang ating landas pasasaan ba’t mababatid kong nagtagumpay pala kayo. Doon, t’saka ko pa lang masasabi na hindi ako nagkamali sa pagbibigay ng pagkakataon sa iyo.
“Hindi bolpen ang katapat mo… kundi pagmamahal ng isang guro.”
Paskel (Sign Post)
(nung ako ay nagtuturo pa sa isang pampublikong paaralan, ito ang ipinaskel ko sa pintuan ng aming silid aralan)
Ang silid aralan na ito
Bagamat salat sa mga bagay pang-kasanayan
Ay maging pandayan nawa
Nang kaaralang hindi maaaring agawin ‘nino man.
Dalisayin nawa ng Dakilang Hignubay
Ang bawat puso ng mga mag-aaral
Na nangangarap tumayog balang araw
Upang baguhin ang panlipunang kabuktutan.
Magsilbi nawang kanlungan ito
Nang mga pagal na sa pakikibaka
Para sa katotohanan at katarungan
Kung saan hihilumin ang sugatang kaluluwa.
Sa silid aralang ito
Mangingibabaw ang pag-ibig sa paglilingkod
Aalahanin ang mga bayaning humimlay na nakipaglaban
Para sa aming tinatamasa ngayong kalayaan.
Ang silid aralan na ito
Bagamat salat sa mga bagay pang-kasanayan
Ay maging pandayan nawa
Nang kaaralang hindi maaaring agawin ‘nino man.
Alay sa Pambansang Puno ng Kamangmangan
Sa isang bahagi ng tulirong kaisipan
Kung ka’ylan naghari ang kawalang katarungan
Dalisay na puso’y nilatayan ng kabulaanan
Ng munting tinig na pinanday ng abang kamangmangan.
Dinakila ang aral na salat sa katotohanan
Paninindiga’y nilimot, kamalia’y tinahak
Ipinitak sa kalatas sanga-sangang dahilan
Binulag ang sarili’t itinuon sa kadiliman.
Walang nanindigan sa sandali ng paglilitis
Hinayaang makitil isang diwang malinis
Kaimbiha’y namayani at s’yang naglihis
Mga munting mga mata’y saksing mapang-tikis.
Mapanglaw na liwanag sa aki’y bigong nanahan
Luhaan kong kaluluwa’y naninibugho sa kaibuturan
Pakikibaka ko’y pinagod ng inagnas na kabataan
Kung saan humihimlay ang kawalang katarungan.
Sino pa ang tatawaging anak ng inang bayan
Kung walang aako’t mag-aalay ng dangal
Mamatamisin pa ba ang malugmok sa kapahamakan
Sa ulupong na ganid, hanggang kay’lan palilinlang.
Kamataya’y yayakapin ko’t tatawagin akong bigo
Sa sandaling magsitayog ang mga batang ito
Kinunsinti sa kamalia’t hindi itinuwid
Sumisigaw ng karapatan subalit hindi ng tungkulin.
Kasalanan bang magalit sa maling inaasal
Maling gawain ba’y dapat ipagsanggalang
Pagpapahalaga’y itatakwil kapalit ng katamaran?
Pupurihin lamang ba ang mga bagay na paimbabaw?
Ano pang aawitin maliban sa pagluluksa
Wala ring iluluha maliban sa kabiguan
Ano pang hahangarin maliban sa kamatayan
Kung ang pag-amin ay hindi kayang mabigkas.
Anong aral ang magiging ilaw mula sa kabuktutan
Anong binhi ang ibubunga ng lahat ng kamalian
Panlilibak lamang ba ang inyong kapangyarihan?
Upang lupigin ang hinasang pag-iisip laban sa katiwalian?
Kaylan ba nakapag-akay ang isang kapwa bulag?
Saan patutungo ang paglalayag na hindi nasimulan
Hindi ko wawakasan ang niyayakap kong paglaban
Kahit lahat ng dahilan nito ay nilamon na ng kabulukan.
Pinuhin man ang himaymay ng aking laman
Sisigaw pa rin ako ng ayon sa tama
Pasakitan man ako’t ilibing ng hubad
Nakangiti akong hihimlay para sa paninindigan.
Dumilim man ang langit sa aking abang buhay
Poot ay hihilumin ng isang pag-ibig na dalisay
Doon mananahan lahat ng alaala
Nang isang kabayanihang nilapastangan ng kabataan.
Biktima
Animo’y nagsalpukan ang dal’wang dakilang puso
Nagpuyos sa galit, mga nagbabagang prinsipyo
Isinatitik ay sumpa na lumatay sa pagkatao
Habang umalingawngaw ang huwad na luha ng palalo.
Tinig ng biktima ay ngayo’y nananaghoy
Nang katarungan, ng pag-asa sa paglilitis ng tao
Bumibigkas ng mga usal sa bawat tinging matalim
Nangangatal sa pagkatakot sa kabila ng pagkagalit.
Habang pinupulot ang tagni-tagning katarungan
Kumakatok sa bawat liwanag ang ugong ng katotohanan
May hanging nakarinig sa dalamhati’t nakiramay
Upang ihatid ang puntod sa matawil na lapastangan.
Hihilom pa ba ang hapdi ng sakit ng kamatayan?
Nang bawat naulila't naging saksi sa digmaan
May mga tanong sa bawat tanong ang itinatanong
May mga nakakubli sa bawat kublihang ikinukubli.
About Helping Others
It is an extra-ordinary thing nowadays to offer help to others. When you did something nice to them, they seem to accuse you of having vested interest in return. Or they would ask you, “Why did you help me, are you a Boy Scout?” Since I am, I often replied, “I am doing this for God and so that you would do the same to others.” In Scouting, we pledged for service to others and love of God.
On Death
A genius-agnostic Philosopher during his youth preached to his disciples, “I am a man of Science thus I don’t believe in heaven or even with God!.” His disciples ask why and arrogantly he usually replied, “If He is true, He should show me heaven. Then I’ll believe in such things.” After eighty years of standing on his belief, he now lies dying on his sick-bed asking for a priest for a confession. His disciples cannot believe, thus they asked the Philosopher why, “What if I go to Hell?”
Paglisan
Wala akong tatalikdan liban sa aking kahinaan
Walang iiwanang kayamanan kundi karukhaan
Walang maihahandog kundi hapis na kaluluwa
Kadakilaan ng puso ko ay ang tanging katapatan.
Anong aking ibabalik kung lahat sa Iyo’y nagmula
Kundi aking kakulangan, tanging sa ‘Yo’y maiaalay
Nais kong magkunyapit sa Iyong banal na harapan
Gaya ng isang batang sabik mula sa pagkawalay sa Ama.
Lahat ng bigat ng aking puso’y sa iyo’y aking iluluha
Ihahabilin sa iyong mga palad mga minahal kong iniwan
Pangungulila ko’t pananabik ay punan ng kaligayahan
Sa kabila ng aking paglisan basbasan ang patutunguhan.
Tumahak man ako sa dakong hindi alintana
Ama, ako’y gabayan sa bawat landas na daraanan
Kung ako’y mapatirapa’y hanguin ng ‘Yong kabanalan
Hilumin sa ‘yong kanlungan, lahat ng aking pangamba.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
An Activist's Elegy to a Friend
It’s hard to be rejected…
Alone, you suffered too much. No one believed you. They misjudged all your brilliant ideas. They don’t want to hear your side. They already accused you with their merciless words. They treated you with hostility. Blinded by the belief that you’re a threat to the existing government, all of them turned against you. For them you’re an ‘activist.’
Coming from a very poor family, you have no political influence at all but you still dare. It was easy to blame and neglect a ‘nobody’ like you by persons who were in authority of power just to conceal the truth. Courageously, it was out of your mission to enlighten the skeptic society that’s why you remain faithful to what is righteous. Prudently, you fought against every forms of corruption. An evilness silently devouring the hearts of men. A greed for flesh, possession and power which enslaved the human race since the genesis of time. Sadly, it only took an amount of promises for your beloved friend to betray you and the philosophy you’ve established.
Of all these, you remained calm. You’re so silent in the midst of unjust trial. You humbly accepted all inhuman humiliation. You suffered too much. Physically, you’re extremely tortured like a wild beast in the pleasure of their delight. Instead of drawing others, you selflessly took all the blame. You just saliently chose to call your loving Father’s name and wept only like a child.
Why don’t you take revenge for what they did? All you have to do was to ask? But, still, you’re so forgiving. You never blamed anyone. No matter how hurt you were…no matter how lonely you became…no matter how they degraded you…you still chose to love all your enemies even they condemned you to your own death.
I admire you my dear friend. You remain to your promises…even I am astray… you still call me by my name.
Now, I am also on the same state. I feel that I am forsaken. Even how afraid I am, I’ll be courageous to follow your foot-steps towards a righteous crusade. I’ll try… no matter how hard...
Please, remain with me in times of tribulations and fill my longing heart with overflowing hope. Allow me to call your name to strengthen my withered spirit. You’re an illuminating inspiration to me. Let your resurrection be my triumph over all my worries in life my dear friend, JESUS.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Advocacy,
Challenges,
Daily Struggles,
Freedom,
Friendship,
Injustice,
Jesus Christ
Saturday, September 10, 2011
Panalangin
Panginoon...
Lahat ng aking pasanin
Bigat ng aking alalahanin
Pasakit sa aking dibdib
Ay isinusuko kong lahat
Sa iyong krus ng pag-asa
Wala na akong maisip na maaari kong gawin
Hindi ko na alam kung saan pa ako patutungo
Litong-lito na ako at pagod na pagod
Sa buhay ko na hindi ko na kayang panghawakan
Nais ko na ng kapahingahan
Nais ko ng katahimikan
Nais ko ng isang lugar na payapa
Kung saan mailuluha ko
Ang lahat ng pasakit
At hinaing ng aking kaluluwa
Panginoon...
Salamat at kinanlong mo ako sa iyong tahanan
Kung saan malapitan kitang nasisilayan
Sana ang bigat ng aking nararamdaman
Ay pagaanin ng iyong banal na pagkaawa
Baguhin mo ang aking buhay
Turuan mo ang aking puso ng iyong pamamaraan
Bigyan mo muli ako ng bagong pag-asa
Sa isa pang bagong buhay at pagkakataon
Na hinahangad ko sa oras na ito
Upang maituwid ko ang lahat ng kamalian
Na nagawa ko sa aking kapwa
Sa lahat ng pagsubok
Samahan mo ako
Huwag mo akong bitawan
Kahit pa ako ay muling malayo...
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Brokenness,
Daily Struggles,
Letting Go and Letting God,
Trust
Pag-abot
Marami akong hinahanap sa aking sarili
Mga bagay na wala
Kalimitan...
Nauuwi sa pagkainggit
At malimit: awa sa sarili
Habang ang iba
Ay payapang nahihimlay na sa gabi
Ako nama'y nananatiling gising
Upang piliting unawain
Ang mga laksang bagay
Na hindi maarok ng aking isip
Kasalanan ko bang mahina ako
Kumpara sa nakararami sa lipunan
Kasawian ba ang kalagayang ito
Dahilan ba upang kutyain ng aking kapwa
Mula sa isang taong mahina na tulad ko
Nais kong sabihing "ikaw ay mapalad"
Patawarin mo ako kung sakaling hindi agad kita maunawaan
Wala akong ibang intensyon kundi ang ibigin ka lamang...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
affection,
Daily Struggles,
Gaps,
Healing,
New Perspective,
Pains,
Realization,
Waiting
Antipolo Hymn (unofficial) draft lang
note: (unofficial; proposal pa lang kung okay sa kanila)this is my gift to the Antipolo Council after inviting me to attend the Advanced Training Course (ATC) last summer, 2011. Music piece will just follow.
Chorus:
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
G D A
With honor and pride we serve our land.
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
A D
With honor and pride we serve our land.
Stanza:
G A D
As Servant-Leaders, altogether, we stand
G A
From different walks of life
D
We heed the call to serve
G A
And to touch all hearts and bridge all gaps
D
Are what we dream
G A
With God as our guide, we will march!
(shout)
A7
Be Prepared!
We will serve!
Chorus:
Chorus:
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
G D A
With honor and pride we serve our land.
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
A D
With honor and pride we serve our land.
(shout)
A7
Be Prepared!
We will serve!
Chorus:
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
G D A
With honor and pride we serve our land.
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
A D
With honor and pride we serve our land.
Stanza:
G A D
As Servant-Leaders, altogether, we stand
G A
From different walks of life
D
We heed the call to serve
G A
And to touch all hearts and bridge all gaps
D
Are what we dream
G A
With God as our guide, we will march!
(shout)
A7
Be Prepared!
We will serve!
Chorus:
Chorus:
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
G D A
With honor and pride we serve our land.
D A
We, the Scouts of Antipolo
Bm F#m
Are united and committed
G A D
Dedicated to the Scout's Oath and Law
A D
With honor and pride we serve our land.
(shout)
A7
Be Prepared!
We will serve!
Wednesday, September 7, 2011
Ngayon
Sinabi ko sa sarili ko:
Gumising ka na sa katotohanan
Tapos na ang kahapon
Na matagal nang naganap
Umahon ka na sa pagkakasadlak
Mula sa madilim na nakaraan
Dahil hindi mo na namalayan
Na patuloy na umaagos ang panahon
Habang ikaw ay pikit matang
Nanaginip ng gising...
Matagal nang naagnas
Ang lahat ng mga pinanghahawakan mo
Na pilit mo lang na hinuhukay
At patuloy na sinasariwa
Sa isang gunita na ikaw na lang ang nakakaalala
Dahil matagal na itong inilibing
Nang ngayon na lagi mong iniiwasan
Upang patuloy na magkulong
Sa bangungot ng pantasya...
Tanggapin mong
Lumilipas ang lahat
Na ang hangganan ng bawat buhay
Ay tanging kamatayan lamang
Hindi maaaring manahan
Sa galit at pangamba
Dahil ang patutunguhan nito
Sa huli ay pagpapatawad...
Iyong takot at pangungulila
Ay hindi sapat na dahilan
Upang ihinto mo ang pagdaloy
Nang iyong sariling buhay
Dahil bawat pagtangis
Ay kailangan ding tumahan
Katulad ng ulan
Na pagdakay tumitila...
Ang buhay natin
Ay laging may simula
Pagkatapos ng bawat sigwa
Sumisikat ang umaga
Isatitik mo ang kasaysayan
Hindi bilang kabiguan
Kundi bilang ikaw
Na may pusong malaya...
Harapin mo ang ngayon
Baunin ang yaman ng nakaraan
Patawarin mo ang iyong sarili
Kung kinakailangan
Tahakin ang bagong landasin
Upang muling magmahal
At sumabay muli
Sa agos at tibok ng buhay...
Repleksyon:
Kaibigan,
Walang makakatulong sa atin upang magbago kundi ang sarili lang din natin. Ang nakaraan ay nakaraan na, maaari lamang nating gamitin itong inspirasyon para sa ating kasalukuyan at hinaharap.
Oo, mahirap magbago lalo na kung biktima tayo ng mapait na nakaraan. Hilingin natin sa Dakilang Lumikha na turuan ang ating puso na magpatawad sa ating kapwa at mahilom ang pait ng ating nakaraan.
Higit pa dito, isaalang-alang din natin na mayroon pa rin tayong ibang kapamilya at kaibigan na nangangailangan din ng ating pagmamahal. Para sa kanila, pilitin nating baguhin ang ating buhay. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang muli tayong bumangon at magbago. Isipin natin sila bilang inspirasyon at hilingin natin sa kanila na tayo ay ipagdasal upang maging ganap ang ating hinahangad na pagbabago.
Mahal ka ng Dyos. Mahal din kita.
Br.Den Mar, SSS
For Prayer Request/s: Send to: denmar1978@yahoo.com. Our community, the Congregation of the Blessed Sacrament (SSS) will be happy to pray with you!
Labels:
Acceptance,
Brokenness,
Challenges,
Daily Struggles,
Denial,
Despair,
Healing,
Inspiration,
Journey,
Realization,
Reflection,
Shyness
Sunday, September 4, 2011
Paglisan
Nagtataka ako...
Kung bakit...
Nangungusap ang iyong mga mata
Ni hindi nga makatingin sa akin ng diretso
Nangangatog ang iyong mga labi
At tila namumula ang iyong mga pisngi
Samantalang ang tanging ginawa ko lamang
Ay ang sabihing "mahal kita..."
Hindi ka na sumagot
Hinatak mong bigla ang iyong pakakatitig mula sa akin
Mabilis, naglabas ka ng panyo
Hinawi ang luhang nangingilid sa iyong mga mata
Huminga ng malalim
At saka sinabi sa aking
"Wala akong nararamdaman sa iyo..."
Masakit...
Umalingawngaw ang matatalim na katagang iyon
Parang dumilim ang langit
Halos gumuho ang lupang kinatatayuan ko
At tila naagnas ang mga sariwang talulot ng mga bulaklak
Na nais ko sanang ialay sa iyo
Akala ko...
Ang lahat ng ipinakikita mo sa akin ay pagmamahal
Akala ko ang lahat ng nararamdaman ko mula sa iyo
Ay pag-ibig
Akala ko...
Pareho tayo ng nararamdaman
Huminto ang lahat
Tumahimik
Dumaloy ang maraming tagisan ng tanong at sagot sa aking isipan
Nang pagtanggi at pagtanggap
Nang pagsuko at paglaban
Nang pagkatalo at pagpapakumbaba
Nang pagnanasa at kawalan
Habang nangingilid ang luha sa aking mga mata
Kahit mahirap
Isa-isa kong pinilit na sabihin ang bawat pantig
Ng salitang napakahirap banggitin
"Ba...kit..."
Wala kang isinagot
Sa halip...
Kasabay ng pagtalikod mo
Ang mabilis mo ring paglakad na palayo
Kung saan wala na akong nagawa upang pigilin ka
Kung kaylan ang tangi ko na lamang maaaring gawin
Ay ang hayaan kang maging malaya
Kagaya ng nais mo
Habang lumilisan ka ngayon...
Labels:
Abandonment,
Broken Relationship,
Denial,
Friendship,
Pains,
Waiting
Umaasa
Mahirap magmahal
Kung ito ay pinagtagni-tagning pangarap lamang
Mula sa isang bula
Na hindi makatotohanan
Maraming nanaginip ng gising
Upang habihin ang kanilang kastilyong buhangin
Kung saan sa hangin at tubig
Isinasatitik ang landasin
Sa magkaibang mundo
Nananahan ang magkaibang puso
Mga pusong naliligaw
Sa romansa ng pagpapantasya
Ang tanging magagawa
Ay ang gumising sa katotohanan
Upang yakapin ang kabiguang
Matagal nang tinatalikdan...
Labels:
Acceptance,
Broken Relationship,
Brokenness,
Denial,
Destructiveness
Saturday, September 3, 2011
Repleksyon
Sa matagal ko nang pagsulat ng mga tula
Napansin kong
Unti-unting nawawala na ang pagkakatugma
Ng mga salita sa bawat saknong
Nang aking binibigyang buhay na mga tula
Subalit ang bawat linya
Bagamat hindi na maalindog gaya ng dati
Ay naging bukas na sa mas makataong sining
Gaya ng isang bata:
Makulay, mapaglaro at may kalayaan
Marahil sa mahabang panahon
Ang isip ko ay natuto nang ring makinig
At umibig sa totoong sinasabi
Nang aking puso na ngayon ay nasaling
Sa nagbibigay buhay na pag-ibig...
Labels:
Daily Struggles,
Freedom,
Journey,
Realization,
Reflection
Kwentuhan
Bago daw tayo isilang
Lahat ng mga bagay
Ay sinabi na sa atin
Ng mga anghel
Ang noon, ngayon at bukas
Ay alam na nating lahat:
Ang mga pwedeng gawin at pwedeng isipin
Ang lahat ng sagot sa lahat ng tanong
Ang tanging kakaiba nga lamang sa bawat isa
Ay ang laman ng puso ng bawat isa
Na nagbibigay ng dahilan
Upang kumilos ang bawat isa ng iba sa bawat isa
Bago daw tayo isilang
Maraming mga bagay ang nangyari pa
Ang Diyos ay pinabaunan ang bawat isa
Ng pantay-pantay na regalong talento na gagamitin sa lupa
Subalit may iba na nakukulangan pa sa mga talento
Kaya ang iba na may mahabaging puso
Ay nagbawas ng kanilang baong regalo patungo sa lupa
At idinagdag sa kayamanang bitbit ng mga walang kasiyahan
Sa mahaba at matagal na paglalakbay patungo sa lupa
Ay nakalimutan na natin ang ating pinagmulan
Nabura sa ating isipan ang ating pinag-ugatan ng tayo'y isilang
At ang tanging natira sa atin ay ang mga bakas na mula sa Dyos Ama
Isa sa mga bakas ng Dyos Ama ay ang mga regalong talento na sa atin ay handog
Yung mga may mabubuting puso na nagbahagi sa ibang walang kasiyahan
Ay nakakalungkot, naging mga dukha, mahina at may karamdaman
Samantalang ipinagdamot ng naghangad ng kasobrahan ang hiram na talento upang lalong maging angat sa iba
Sa mahabang kasaysayan ng lahi ng tao
Ang mga malalakas ay tinawag ng tao na pinagpala
At ang mga mahihina ay tinawag na isinumpa
Hanggang sa usigin ng malalakas ang lahat ng mahihina...
Nalimutan na nila
Na ang kanilang talino ay hiram lang
Mula sa mga mahihinang tao na kanila ngayong inaapi
Na bago sila isilang ay nagbigay lamang sa kanila
Ang tanging bagay na hindi sa atin nawala
Nung tayo ay isilang sa lupa
Ang hanapin ang totoong kahulugan
Nang buhay sa 'sangtinakpan
Kung maiisip lamang sana natin
Kung bakit tayo ay namamatay:
Hindi upang manatili sa lupa,
Kundi bumalik sa ating pinagmulan
Na habang tayo ay nagiging malakas at pinagpala
Tayo ay may pananagutan sa ating kapwa
Dahil mula sa mahihina
Ang ating mga nagiging lakas
At doon natin mapagtatanto
Na ang pag-ibig pala
Ang totoong kahulugan
Nang ating buhay sa mundong ito...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Daily Struggles,
Faith,
Hope,
Realization,
Reflection
Friday, September 2, 2011
Pag-ibig
Ngayon pa lang
Huwag mo nang tangkaing magmahal
Kung wala ka rin namang kakayanang
Manatiling tapat
Ngayon pa lang
Huwag mo nang tangkaing magmahal
Kung isusumbat mo lang din naman
Lahat ng hirap at pagpapakasakit
Kung lilimitahan mo lamang din naman
Ang iyong mamahalin ayon sa iyong kagustuhan
At tuturuan siya hindi para umibig
Kundi sumunod lamang sa iyong maka-sariling kagustuhan
Kung ang patuloy lang din namang mamahalin mo
Ang ang iyong sarili at hindi ang iyong kapwa
Dahil patuloy kang nagpapakamanhid o nagbubulagbulagan
Sa totoong pagmamahal na matagal mo nang nasumpungan
Kapag nagmamahal ka
Ikaw ay handang masaktan
At dahil nagmamahal ka
Marunong ka rin sanang magparaya upang sumaya ang iba
Dahil ang totoong pagmamahal
Ay ang pagyakap ng buong-buo sa kasiyahan
Na nagdudulot ng wagas na kaligayahan
Kahit pa ito'y isang malagim na pag-aalay
Nang iyong sariling buhay...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Photo Credit: by eviation http://www.deviantart.com/art/love-in-the-city-157476355
Paghahanap
Kung bakit naman kasi
Lagi nating hinahanap ang ating kapwa
Hindi sa lugar kung nasaan sila ngayon
Kundi sa lugar na nais natin silang makita
Kinakahon agad natin ang lahat ng mga bagay
Ayon sa ating paniniwala
Kung saan ang tanging pananaw natin
Ang alam lamang nating totoo
Kung bakit naman kasi
Ang hinahanap natin sa ating kapwa
Ay mga bagay na wala sila
O mga katangiang hindi naman sila
Sa mga bagay-bagay
Wala tayong kasiyahan
Lagi tayong may hinahanap
Dahil maaaring mali ang ating tinitingnan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
affection,
Challenges,
Life,
Metanoia,
New Perspective
Thursday, September 1, 2011
Insecure
Sa maraming mga bagay
Marami lagi akong napupuna
Sa unang kita ko pa lang
Marami na agad akong nalilibak
Bihira lamang ang mga papuri
Mas nakahihigit ang pamimintas
Kung saan ang aking sarili
Ang tanging pamantayang nakakaangat
Kapag itinatama ng iba
Dinadaan lagi sa galit
Paninindak sa kapwa
Ang aking sandatang ginagamit
Hanggang sa tumahimik ang mundo
At naging manhid sa aking sinasambit
Hanggang lahat ng aking inalimura sa aking kapwa
Sa akin lahat ibinalik
Ang katotohanan ay nakita ko
Na ako pala ang totoong mahina
Puro takot at inggit lamang pala ang umiiral
Sa lahat ng aking gawain at inaasal
Mahina na nga akong mag-isip
Masama pa ang aking budhi
Pangit na nga ako
Pangit pa pala ang puso ko...
Kaya pala wala sa aking nagmahal
Dahil hindi maganda ang aking pagkatao
Kaya pala walang tumawag sa aking kaibigan
Dahil lahat sila ay aking nasaktan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Broken Relationship,
Brokenness,
Corruption,
Daily Struggles,
Destructiveness,
Fear,
Gaps,
Realization,
Reflection
Subscribe to:
Posts (Atom)